Lechon

Nagbabagang uling, ang ipinalibot
Upang tigisin ang kadungisan.
Pinaikot-ikot upang langis
Ng kasinungalingan ay maibsan.
Pinatagas, tinigis ang mantikang
Naghahatid ng kamatayan
Sa sangkatauhang nabubuhay
Dahil sa labis-labis na kababuyan.
Malinis ang kural ngunit ang kalooba'y
Sindungis ng lupang inulan ng kasinungalingan.
Dugo ay nagbabaga
Dahil sa labis na kasakiman
Sa kapangyarihang hindi makamtan.
Tinuhog at pinarusahan,
Inihaw at inaasahan
Na maghahatid ng labis-labis na sarap,
Ng walang kapantay na ligaya.
Ngunit ang kababuyang inaasahan
Ay siya ring maghahatid sa walang humpay
Na kaparusahan. Siyang kikitil
Sa buhay ng sinumang kakain
At magpapakasasa.
Ang lechong kinahumalingan
Ang siya ring magbabahid ng labis
Na kasalanan sa mata ng nakakikita.
Siyang kikitil sa buhay na walang pagpapasya.

Comments

Popular Posts